Unsent Letters

Ang Kabullshitan Ng Closure

Sinabi mo noon na magiging lubos lang ang kaligayahan mo sa oras na pakawalan kita. Mali ka. Ako ang sumaya habang ikaw ngayon ay baon sa alaala ng ating nakaraan na pilit mo pa ring binabalikan.

Huli na. Huli na para sa ating dalawa pero hindi pa huli ang lahat para sa’yo. Gagamitin ko ang gasgas na linyang, “Huwag mong hanapin sa ibang tao ang kaligayahan mo.”
Iniwan mo ako dahil hindi ka na masaya sa piling ko. Iniwan mo ako dahil masaya ka sa piling ng iba. Madalas mangyari ‘yang ganyang kuwento, pansin mo? Alam ko ang mga naging pagkukulang ko sa’yo, na kinalaunan ay natanggap ko at s’ya kong binitbit sa aking paglalakbay tungo sa susunod na kabanata ng aking buhay. Sa maniwala ka’t sa hindi, ni katiting na galit wala na akong nararamdaman. Kasi nga, naka-move on na ako.Bakit ikaw hindi pa eh, ikaw itong nang-iwan? Ang inasahan ko nga, milya milya na ang narating mo. Mayroon ka bang dinaanang shortcut at nalubog sa kumunoy ng regret? At ano itong sinasabi mong “closure” na kailangan mo? Naghiwalay tayo nang maayos. Kahit na parang dinidikdik mo ako sa almires noong mga panahong iyon, maayos pa rin akong nakipag-usap sa’yo. Huwag mong gamitin ang salitang “closure” kung ang totoong bagay na gusto mong matikman ay isang guilt-free cake. Kung mayroon man akong tatanggapin sa’yo ngayon, tama na ang isang sorry. Kung iyon ang magpapagaan ng kalooban (o konsiyensya) mo.
Huwag kang mag-enroll sa Timehop University – College of What Ifs Major in Apologizing 1, 874, 364, 467 times and #InstagrammingMyMessagesForYouAndGetSympathyFromRandomPeople. Pili lamang ang alam ng followers mo. ‘Yang pagddrama mo lang ang alam nila, at parang ako pa ang walang puso sa dating ng mga mensahe mo. Malaki ang problema mo… sa sarili mo. Huwag ka nang mandamay ngibang tao na matagal nang wala sa buhay mo. Huwag mong ipasa sa kanila ang mgakabullshitan ng buhay mo.
Tapos na tayo. At kahit balikan mo pa ang pahina kung saan nakasulat ang kuwento natin, hindi mo na mababago iyon. Naka-imprenta na, eh. Subukan mo mang burahin ang mga masasama at masasakit na pangyayari, dudumi lang ang pahina at kung ipipilit mo talaga, baka mapunit mo pa. Sa halip na mayroon kang maisaayos sa buhay mo, lalo mo pang sinira.
Madalas akong makatanggap ng ganitong linya sa mga tao sa paligid ko:
“Bakit wala ka pa ring jowa? Ang lungkot naman ng buhay mo.”
Ang mabilis kong sagot ay, “Hindi ah. Bakit ko naman iaasa ang sarili kong kaligayahan sa presensya ng ibang tao?”
Desisyon ko ang huwag munang pumasok sa isang relasyon. At sa ngayon, masaya ako sa itinatakbo ng buhay ko. Hindi ko sinasabing huwag kayong makipagrelasyon, mga gunggong. Ang sa akin lang, kung may malasakit ka sa mga tao sa paligid mo, at alam mong hindi ka pa handang makipagrelasyon, bakit mo hahatakin ang isang inosenteng buhay sa drama mo? Buuin mo muna ang sarili mong jigsaw puzzle bago ka kumuha ngbagong set sa shelf. Hindi ka mauubusan, marami pang ibang branches ang Toys ‘R’¬†Us kung sakaling wala na sa mall na paborito mong puntahan– gets mo ba? Ang ibig kong sabihin ay maglakbay ka, puwedeng literal, puwedeng hindi.
Huwag mong ikulong sa iisang lugar o kaisipan ang tunay na kaligayahan. Huwag mong ikulong sa pangalan ng isang tao ang salitang kaligayahan.
Sana maging maayos na ang lagay mo sa lalong madaling panahon at manahimik ka na… LOLjk!
Share Button
Google+